Hindi bumenta sa mga taga-oposisyon sa Senado ang paliwanag ng security officials ng gobyerno kung bakit nila muling hiniling na palawigin ang martial law sa Mindanao.
Isa kasi sa iprinisinta nilang dahilan sa briefing sa Senado kanina ay ang “psychological impact” ng martial law para sa mga sundalong nakikipaglaban sa Mindanao.
“Time is of the essence. Ngayon na mahina ang ISIS, ia-apply na natin lahat kaysa maghintay ka ng panahon na lumakas sila, eh mahuhuli na. By psychological, we mean it’s really to the liking of majority of Mindanaons, there’s not much objection to it especially by Mindanao people,” sabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Para naman kay Senador Franklin Drilon, hindi raw ito sapat na dahilan para i-extend ang martial law.
“There’s no factual basis and that the factual conclusion was validated in today’s briefing where the security forces said that the threat is continuing that martial law has psychological impact in the performance of their duty, unfortunately these are not sufficient basis under the constitution to extend martial law,” sabi ni Drilon.
Giit pa ng mga taga-oposisyon, malinaw daw na nakasaad sa Konstitusyon na dapat ay may aktwal na rebelyon na nangyayari sa isang lugar para magdeklara ng martial law.
Ngayong tapos na raw ang bakbakan, bakit kailangan pa ang extension nito.
“Ang tanong kailangan ba ng martial law para magawa ng AFP ‘yung kanilang trabaho? Dito po siguro nagkakaroon ng konting disagreement. Many of us feel and believe that they can do their jobs as they have been doing jobs properly, with or without Martial Law, hindi po kinakailangan nito,” sabi ni Senador Bam Aquino.
Depensa naman ni Sec. Esperon, kahit pa tapos na ang giyera sa Marawi, patuloy daw ang mga pag-atake at marami ang kalaban gaya ng Abu Sayyaf, BIFF, Maute at maging ng CPP-NPA.
Kinikuwestyon din ng minorya kung bakit kasama na sa dahilan ng pagpapalawig ng martial law ang paglaban ng militar sa CPP-NPA gayong ‘di naman ito kasama sa orihinal na dahilan nung ideklara ang batas militar.
Para kay Senador Panfilo Lacson, delikado raw itong dahilan para gamitin sa pagpapalawig ng batas militar.
“Ang danger sa CPP-NPA, what will prevent the government from declaring martial law in other areas outside Mindanano. Paano kung may nagbrilian sa Nasugbu na NPA? Para maging consistent ang Kamara, dapat magdeklara din ng martial law, o kaya sa Sorsogon,” sabi ni Lacson.
Suportado naman ni Lacson ang extension para magbigay ng psychological boost sa mga militar pero aminado siyang hindi sapat ang dahilan para palawigin ito kung pagbabasehan ang Konstitusyon.
Kumbinsido naman si Senate Presidente Koko Pimentel na dapat na i-extend ang batas militar sa Mindanao.
“There are really actual clashes except that it is not really concentrated in one city or province but ang observation nila, they concentrate in one area and that is Mindanao,” sabi ni Pimentel.
Bukas na nakatakdang pagdebatehan ng Senado at Kamara ang basehan ng extension ng martial law sa Mindanao. Idadaan sa botohan ang desisyon.
SOurce: news5
No comments:
Post a Comment