Nakapagtala ang Department of Health ng 1,962 bagong kaso ng HIV sa bansa mula July hanggang August 2017.
87% o halos siyam sa bawat sampu sa kanila ang asymptomatic cases. Ibig sabihin, nagpositibo sila sa HIV kahit ‘di pa sila kinakikitaan ng anumang sintomas. Habang ang natitira naman ay ganap nang AIDS cases.
Pagdating naman sa kasarian, sa bawat 100 bagong kaso, lima ang babae.
Habang kung hahatiin base sa edad, pinakamarami ang mula 25-34 years old na nasa 1,004 cases; 610 cases naman ang nasa edad 15-24 years old; 301 cases naman ang mula 35-49 years old; 35 cases na nasa edad 50-anyos pataas; habang may pitong kasong nasa edad 14 pababa.
Halos lahat ng mode of transmission o paraan ng pagkakakuha ng HIV base sa mga naitalang kaso ay sa pamamagitan ng sexual contact. Katunayan, sa mga bagong kaso nitong July hanggang August 2017, 1,892 o 96% ang dahil sa sexual contact. Karamihan ay male-to-male sex na nasa 1,146 cases.
35 cases naman ay dahil sa paggamit ng kontaminadong karayon. Habang may pitong kaso ng Mother-to-child transmission o nahawa ang sanggol na ipinagbubuntis ng isang inang HIV positive.
Ayon sa DOH, taong 1984 nang unang makapagtala ng AIDS case sa Pilipinas.
Sa ngayon, gumugulong sa Kamara ang House Bill No. 6617 o ang Philippine HIV and AIDS Policy Bill na layong palakasin ang kasalukuyang batas na pumoprotekta sa interes ng mga taong may HIV.
Kabilang sa mga probisyon ng panukala ang mas detalyadong pamantayan sa confidentiality ng HIV cases.
No comments:
Post a Comment